PARA SA KAIBIGANG WALA NANG PAG-IBIG SA AKIN
- Athena Charanne R. Presto
- Aug 26, 2018
- 2 min read
Pinaikot natin ang ating mga sarili nang sabihin nating ang kawalan ng moral ng bawa’t isa ay hindi hadlang sa pagkakaibigang sinubok na ng pera, pag-aaral, at problema. Hindi nga tuwid ang ating sekswalidad ngunit ang relasyong meron tayo ay lumitaw na mas baluktot pa sa ahas na iyong inanyo.
Inintindi ko ang lahat ng kamalian mo at inihulma kong tila maskara ang mga palad ko nang sa tingin mo ay wala ka nang mukhang maihaharap sa ibang tao. Ikinalungkot ko ang ideyang ngayong nasa huling taon na ako sa unibersidad ay kakailanganin ko nang lumisan. Mas nakakalungkot pa pala nang aking napagtanto na ako pa itong naiwan imbes na ako ang mang-iwan.
Baliw ba akong mag-isip na sa kabila ng mga bagay na isinakripisyo ko para sa’yo, papahalagan mo ako gaya ng pagpapahalaga ko sa’yo? O kahit na kapritcho?
Sa tuwing hindi ka sumasama sa pagyayaya ko ay hindi mo kailangang magsinungaling dahil uunawain ko ang rason mo. Sa dinami-daming sandali na hindi mo sinasagot ang mga tawag ko ay naghihintay ako. Kapag nakikita kitang may kasamang iba ay nasasaktan ako pero tinitiis ko. Nakakagawa ka ng oras para sa kanila pero kahit pagsagot lang sa tawag at mensahe ko’y hindi mo magawa. Kahit na “K” man iyan, tatanggapin ko. Ipagpapalagay ko pang ang K na yun ay nangangahulugang ikaw pa din ay aking
Kaibigan. Kapatid. Karamay.
Hindi na pala, dahil kung sa akin ay kaibigan ang laging una, sa’yo nama’y iba na. Kalibugan na lang. Kakatihan. Kalandian. Mahal mo siya, pero mali ba na minsan bigyan mo din ng panahon ang mga taong unang nagmahal sa’yo sa mahabang panahon?
Pinilit kong lumapit sa’yo. Iginiit kong hukayin ang mga magagandang ala-ala nating dalawa kahit na pilit mo silang tinatabunan ng kasinungalingan at kawalan mo ng pakialam. Natakot ako na ikaw na ang susunod sa mahabang pila ng mga kaibigang wala nang pag-ibig sa akin.
Pero hindi ako isang makina. Nakalimutan mo na yatang nakakaramdam din ako, at sa paulit- ulit na pagharang mo sa pag-aayos ko ng relasyong sinira mo... napapagod din ako.
P.S. I wrote this essay almost three years ago but I am re-uploading it here because the feeling is coming back.