KAPPangyarihan ng Bayan: Dunong at Dangal
Naimbag nga aldaw. Magandang araw.
Marahil lahat, o kaya naman ay karamihan sa atin, ay nagpalit na ng profile picture sa mga social networking sites. Tila nagiging tradisyon na para sa ating mga nagsisipagtapos ang pag-upload ng ating mga creative, toga, at lalo na ang sablay photos. Bagama't mag-aaral ng Sosyolohiya at nag-alinlangang akong sumunod sa online norm, sa huli ay ginawa ko ding profile picture ang sablay photo ko. Hindi naman ako nagsisi dahil isang malaking karangalan ang magtapos sa tinaguriang pinakapipitagang pamantasan ng bayan. Nalagpasan natin ang mga mahihirap na pagsusulit, mga pamatay na pananaliksik, mga tambak-tambak na babasahin, at mga nakayayanig na pag-uulat sa klase.
Kilala ang UP bilang tahanan ng mga taong may “utak at puso”, “tapang at talino”, ngunit dito natin natutunan na walang likas na matalino. Ang bawat asignatura ay pinagpapawisan at pinag-iisipan. Sa tulong ng bawat guro, naunawaan natin ang bawat aral sapagkat ang mga ito ay pinagsunugan ng kilay at hindi ipinagwalang-bahala. Tinanggap natin ang mga araw at gabing walang tulog sa ngalan ng pagkatuto. Umiyak tayo habang tumatawa sa mga sandaling ang paghihirap ay nagbubunga.
Ibang klase ang naging karanasan natin sa ilang taon ng pag-aaral sa UP. Mas naintindihan natin na ang tunay na karangalan ay nakakabit sa paglilingkod sa bayan. Lalong pinagyaman ng ating mga karanasan ang ating dunong bilang mag-aaral at mamamayan, kung kaya hindi tayo nagpakulong sa ating mga silid-aralan.
Sariwa pa sa aking alaala nang una kong masaksihang mag-protesta ang mga Isko at Iska laban sa pagtaas ng matrikula. Unang semestre iyon ng unang taon ko sa UP Baguio. Palibhasa ay musmos pang maituturing ang isip at nabigyang-babala ng mga magulang na mag-ingat sa mga aktibista, magkahalong pagkamangha at takot ang naramdaman ko. Ilang taon pa bago ako nagkaroon ng lakas ng loob na sumali sa isang pagkilos.
Sa ating paglahok sa mga pangyayaring panlipunan, naipalamas sa atin ng UP ang tunay na pagpapahalaga sa karangalan. Namulat tayo na ang kagalingan ay hindi batay sa mga grado lamang. Mas malalim ang kagalingang ipinakikita sa gawaing makabansa. Mararamdaman lamang ang saysay ng ating kaalaman kung ibabahagi natin ito sa mga taong higit na nangangailangan.
Nabigyan tayo ng kalayaang sumali sa mga organisasyong naging kaagapay ng pamantasan sa paghubog sa kung sino tayo ngayon. Marami sa atin ang nangambang baka maging sagabal sa ating pag-aaral ang pagsapi sa mga organisasyon. Ito din ang inisip ko noon. Ngunit noong pang-akademikong taong 2013-2014, sumali ako sa tatlong organisasyon. Noong taon na iyon ay nakuha ko ang pinakatamataas kong grado. Naging inspirasyon ko ang mga adhikain ng mga org na sinalihan ko upang pagbutihin ang aking pag-aaral. Sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga orgmates at sa mga taong pinaglilingkuran ng ating org, mas nalinang ang ating ugnayan sa lipunan. Dito natin mas naintindihan na ang karunungan ay pinagsisikapan hindi para sa pansariling kapanakan. Tayo ay hindi lamang mag-aaral. Tayo ay Iskolar para sa Bayan. Tayo ay Iskolar ng Bayan.
Tayo ay nahulma ng diskursong panlipunan, at tungkulin nating mapabuti ang lipunang ating pinag-aaralan. Sa UP, naunawaan natin na ang mga personal na bagay na bumabagabag sa atin ay epekto at/o dahilan ng mga panlipunang isyu. Nakita natin ang ugnayan ng ating kasaysayan at ng ating talambuhay. Ang sarili at bayan ay binibigkis ng isang ugnayang hindi mapapatid ng panahon. Bilang mga mag-aaral ng agham panlipunan, natuto tayo ng iba’t ibang pagtingin o perspektiba sa mga pangyayari sa ating paligid. Hinasa tayo upang kritikal na suriin ang mga datos habang inuunawa ang mga personal at panlipunang katangian ng ating pambansang karanasan at kalagayan.
Sa UP din tayo naging mas matapang upang ipaglaban ang ating mga karapatan bilang mga mamamayan. Ang UP ay salamin ng bayan. Nakasalamuha natin sa loob ng pamantasan ang iba’t ibang uri ng tao: Probinsyano man o taga-siyudad; mahirap o mayaman; relihiyoso o ateista; girl, boy, bakla, tomboy LGBTQI+++ o kung saan man nabibilang sa espektro ng kasarian at sekswalidad. Nakausap, nakatawanan, at naka-diskurso natin ang mga taong iba-iba ang katangian at pananaw. Natuto tayong igalang ang bawat isa dahil batid nating ang bawat isa ay may bitbit na karanasang sumasalamin sa mga suliranin ng lipunan. Naunawaan natin na mahalagang ipaglaban ang karapatan ng bawat isa lalo na ang karapatan ng mga taong pinagkakaitan ng mga ito.
Kung si Incredible Hulk ay may angking lakas, kung si The Flash ay may angking bilis, at kung si Naruto ay may Kage Bunshin Technique, ang ating bayan naman ay may mga iskolar na may angking dunong at dangal. Tayo ang kapangyarihan ng Pilipinas. May kanya-kanya tayong kakayanang mag-ambag sa ating bansa. Ngunit kung sina Trunks at Goten ay may Fusion Technique at kung ang Voltes Five ay kayang mag-volt in, may kakayahan naman tayong mga iskolar ng bayan na magsama-sama upang lumikha ng isang mas maaliwalas na kinabukasan para sa ating bansa.
Huwag sana tayong tumigil hanggang sa social media lamang. Huwag nating hayaang hanggang display photo na lang ang pagiging gradweyt natin mula sa pamantasang ito. Dunong at dangal ang tunay na pamana ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya at ng Unibersidad ng Pilipinas. Nahasa ng UP hindi lang ang ating isip kundi pati ang ating pagkatao. Huwag nating kalimutan ang magkahawak-kamay na teorya at pagkilos habang nagpapakadalubhasa tayo sa ating disiplina. Alalahanin natin na ang karunungan at ang karangalan ay naipapamalas sa paglilingkod sa lipunan.
Tayo ang kapangyarihan ng bayan. Huwag nating biguin ang Pilipinas. Maraming salamat.
(Note: This was the speech that I delivered during our college graduation rites. I stuttered in the delivery, but I hope I got my message across.)