ABISO SA URING MAPANG-API
Nagngingitngit ang mukha ng kahirapan--
amoy-asin tunog-bukid lasang baril.
Nasanay sa tahanang
walang kuryente
ngunit
batid na ang bumbilyang
patay-sindi, patay-sindi, patay-sindi
ay napupundi.
Masisilaw rin ng apoy sa dilim
ang mga matang binulag ng karangyaan.
Naturuang tumalima sa
uring mapanlamang
ngunit
naniniwalang ang tiwaling lipunan
ay lalamunin ng katawang buto't balat
na binuhay ng lupa.
Sisigaw din ang dugong
sinasakal ng sistemang salapi--
mag-aalsa
lalaya.